Bong Go may apela sa Philhealth

STATEMENT OF SEN BONG GO

RE: Complaint of Some OFWs Regarding Their Increased PhilHealth Premium Contributions

Naiintindihan ko ang mga kasalukuyang hinaing ng ating mga OFWs hinggil sa mas mataas na bayarin nila sa kanilang PhilHealth contributions.

Nais ko lang po klaruhin para sa kaalaman ng lahat na ang pagtaas sa PhilHealth contributions ay naaayon sa Universal Health Care Law na naisabatas noon pang nakaraang 17th Congress. Layunin ng batas na ito ang mas lalong mapabuti at mapalawak ang mga benepisyo at iba pang programang pangkalusugan para sa kapakanan ng lahat ng mga Pilipino – kasama na diyan ang OFWs abroad at ang kanilang mga pamilya o dependents na nandito sa Pilipinas.

Sa katunayan nga, sinabi ng PhilHealth na sa nakaraang taon, mas malaki pa ang amount of benefits claimed by OFWs and their dependents kumpara sa premiums paid ng mga ito. Kung baga, sa normal na sitwasyon, sulit na investment po ito para sa kalusugan ng ating pamilya.

Subalit kailangan rin natin intindihin ang kakaibang sitwasyon ngayon dahil sa patuloy na paglaganap ng sakit na COVID-19 sa buong mundo at pagka-paralisa ng ating mga kabuhayan. Dahil dito, umaapela po ako on behalf of our OFWs.

Una, mapag-aralan dapat ng PhilHealth kung maaaring i-delay muna ang pagbabayad sa premium contributions o kung maaari ay i-delay ang pagtaas sa bayaring ito. Suriin dapat ang lahat ng pwedeng magawa upang hindi ito maging pabigat lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng karamihan ng ating mga OFWs.

Karamihan po ng mga OFWs natin, umaasa pa ng dagdag na tulong mula sa gobyerno bukod sa ipinamahagi na ng DOLE na 10,000php one-time financial assistance sa mga nawalan ng trabaho o naapektuhan ang kanilang kabuhayan sa ibang bansa. Hindi naman po tama na sa panahong umaasa sila sa dagdag na tulong mula sa gobyerno, kaya pa natin sila sisingilin ng dagdag na kontribusyon.

Ang hinihingi ko lamang ay mabigyan natin ng kinakailangang ‘palugit’ ang mga OFWs sa kabila ng pinapasan nilang hirap ngayon. Lahat ng palugit na pwede natin maibigay sa panahon ng krisis, ibigay na po natin. Sabi nga nila, “in times of crisis, every single peso saved counts”.

Balansehin lang natin ito para hindi rin naman mailagay sa alanganin ang kabuuang pondong pangkalusugan na makakatulong sa mas maraming Pilipino lalo na ngayon na nasa health crisis pa tayo.

Pangalawa, umaapela rin ako sa PhilHealth na i-amyenda ang kanilang Circular kung saan kasali pa ang “Overseas Filipinos in Distress” sa dapat magbayad ng kontribusyon. Kung pu-pwede ay huwag na isama yung repatriated OFWs at yung mga lubos na apektado ng krisis sa sisingilin pa ng gobyerno sa panahong sila ang nangangailangan ng tulong mula sa atin.

Pangatlo, umaapela din ako sa PhilHealth na mas lalong pagbutihin pa ang inyong pagbibigay ng mga sapat na impormasyon upang mas maintindihan ng lahat ng mga Pilipino kung saan napupunta ang mga kontribusyon nila.

Ipaliwanag natin ng maayos ang lahat ng mga benepisyo ng pagiging miyembro ng PhilHealth. I-kumpara ang kabuuang halaga ng binabayaran na premiums sa kabuuang halaga ng lahat ng benepisyong nakukuha nila at ng kanilang pamilya. At i-identify kung ano ang mga idinagdag na mga benepisyo dahil sa pagtaas ng bayarin sa PhilHealth.

Sa bawat pisong lumalabas sa bulsa ng ating mga kababayan, dapat alam nila kung anu-anong mga benepisyo ang naibibigay naman sa kanila ng gobyerno.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, layunin nating mas lalong mapagbuti ang lahat ng mga programa at serbisyong medikal. Pero sa panahon ng krisis, ang kapakanan ng lahat ng mga Pilipino, lalo na yung mga lubos na nangangailangan ng tulong, ang aking pangunahing prayoridad.

Kailangan nating mas lalong magtulungan at magbayanihan para mapagaan ang pinapasan ng kapwa nating Pilipino at malampasan ang krisis na ito bilang isang nagkakaisang bansa.